Parati siyang huli tuwing magkikita sila
Trapik e.
Hindi ko namalayan ang oras.
Ito naman, buong araw naman tayong magkasama… Gusto mo magkita rin tayo bukas?
Ngayon lang ako na-late nang ganito katagal, ah?
Treat ko lunch tapos mag-shopping pa tayo. G?
Sori.
Hindi niya alam kung kailan natatapos ang lahat. At mas lalong hindi niya alam kung saan nagsisimula.
Noon namang mga una nilang labas, maaga naman siya. Pinagmamalaki niya pang “American time” ang sinusunod niya. At ‘pag may lakad kasama ang mga kaibigan, nako, ilang oras pa lang e nandun na sa meeting place.
Kailan kaya siya nagsimulang tamarin sa akin? tanong niya. At hindi na naman niya mapipigilang sisihin ang sarili niya kung bakit sila nagkaganito. Hindi rin niya mapipigilang pagdudahan ang sarili niya kung ano nga bang kulang sa kaniya - kung ano ba 'yung hindi niya nabigay, o kung ano 'yung labis niyang nabigay.
Lahat ng ito ay maglalaro sa utak niya. Kahit na alam naman din ng utak niya kung ano'ng sagot.
Siyempre walang kulang sa kaniya. Alam niyang kung mahal talaga siya ng taong ito, wala itong nakikitang oras. Hindi niya ito kailangang diktahan dahil mabilis pa sa a las kwatro e darating siya kung gusto niya talaga. Marahil ay madaling husgahan na maliit na bagay lamang ang pagiging huli, pero maraming sinasabi ang mga sumunod na pangyayari ukol sa pagkatao niya at sa nais niya sa relasyon na ito.
Kaya’t tumakbo siya. Sa malayong-malayo.
A la una ang usapan nila.
A las dos na at may tumatawag sa kaniya. Naroon na raw siya, nasaan na raw siya? Ngunit walang patid pa rin siyang tumakbo. Papalayo nang papalayo.
Nandito na ako, kanina pa, nasaan ka na?
Lagpas lang ako nang kaunti sa usapan nating oras pero nandito na ako.
'Yung oras na sana magkasama tayo, wala ka pa.
Mas maaga ako ngayon kumpara dati.
May bagong kainan akong gustong subukan, baka magsara na sila!
Hindi ka naman nahuhuli nang ganito, ah?
Patuloy pa rin siya sa pagkaripas tungo sa kawalan. Hindi niya alam kung saan siya patungo. Hindi niya alam kung ano ang hinaharap. Hindi niya alam kung kailan susuko ang binti niya. Hindi niya alam kung konkreto pa ba ang tinatakbuhan niya o kumunoy na.
Isa lang ang alam niya – hindi na siya kailan man lilingon. Wala na siyang babalikan pa.
Sori.







